viernes, abril 05, 2002

This is a copy of the article I passed to Eder of Tinig.

Paalam mga Maestro

Sumakabilang-buhay si Maestro Lucas San Pedro nuong Linggo, Marso 30, 2002 sa gulang na 89. Kinikilala ang premyadong musikero bilang pangunahing komposer at guro. Sumunod sa kanyang himlayan si Maestro Levi Celerio, edad 91, nuong Martes, Abril 2. Tanyag naman ang maestro bilang tunay makata at maninitik ng musikang Pilipino.

Kapwa sila Pambansang Alagad ng Sining, karangalan na karapat-dapat namang ipinutong sa kanilang mga ulo. Hanggang sa mga huling obra nila, mababasa, maririnig, at mararamdaman ang kanilang kadakilaan hindi lamang bilang mga maestro ng sining, kundi bilang mga alagad ng bayan.

Bilang paggunita at paggalang, narito ang isang kolaborasyon ng dalawang pantas, ang kantang Sa Ugoy ng Duyan.

SA UGOY NG DUYAN

Musika ni Lucio San Pedro
Titik ni Levi Celerio

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay
Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay
Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan

Sa aking pagtulog na labis ang himbing
Ang bantay ko'y tala
Ang tanod ko'y bituin
Sa piling ni Nanay
Langit ang buhay
Puso kong may dusa
Sabik sa ugoy ng duyan mo Inay
Sana narito ka Inay

Sana'y di magmaliw ang dati kong araw
Nang munti pang bata sa piling ni Nanay
Nais kong maulit ang awit ni Inang mahal
Awit ng pag-ibig habang ako'y nasa duyan


Sa loob ng kapayakan ng awit, malalim ang sentimyento at diwa ng awit na ito. Naririnig ko ito bilang oyayi (lullabye) ng ina na nagpapatuloy sa puso at pinakaubod ng anak. Tulad ng anumang handog mula sa pag-ibig ng Nanay, nananatili ito hanggang sa huling sandali, lampas pa ng paglipas ng pinanggalingan.

Narito ang kabataan, ang mga naiwan, mga alagad ng sining sa kani-kanilang paraan, mga tainga kapwa para sa musika ng maestro at sa ingay ng mundo. Nahimlay at nagising kami sa inyong mga tinugtog. Ngayon, panahon na namin para ipagpatuloy ang himig. Nawa'y magbunga ang salinlahi ng mga dakilang ugat. Sa kabila ng lahat.

Sumalangit Nawa, mga Maestro. Nang maibalik na sa Langit ang pinahiram na Awit sa Bayan.